Susubukan ko muling magsulat,
ang malunod sa mga salitang
minsa'y naging daan upang
panandaliang makalimot
sa pait ng kahapon.
Susubukan ko muling sumulat
gamit ang mga plumang
naipon sa garapon,
ang mga papel na niluma na ng panahon.
Muli kong bubuhayin ang mga boses
na waring nagtatalo sa kung ano mang letra ang ilalapat
sa aking lumang-bagong papel.
Minsan ko ng kinalimutan ang maligaw
sa agos ng mga ideyang na isa-isa ibinabato ng mga tinig sa isip ko.
Unti-unti kong kinalimutan ang mga simpleng bagay
na nakakapagpasaya sa puso ko.
Dahan dahan nawala.
Dahan dahan nalumbay.
Hanggang sa hindi ko na kilala kung sino itong babae sa salamin.
"Ako ba ito o ibang tao?"
Alam kong hindi sya masaya.
Alam kong hirap na hirap na sya.
Kailangan nya ng kausap.
Kailangan na nyang bumangon sa matagal na pagpapahinga.
Muling mangangarap.
Muling susubok.